Dahil sa sunod-sunod na bomb threats, PNP aminadong hindi kayang bantayan ang lahat ng Mall sa bansa
Aminado ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) – Explosive and Ordnance Division (EOD) na hindi nila kayang bantayan ang lahat ng mga mall sa bansa lalo na sa Metro Manila.
Ayon sa hepe ng PNP-EOD at K9 na si Sr. Supt. Remigio Gregorio, kulang sila sa mga tauhan kung kaya naman sa mga piling lugar lamang aniya sila nakakapag deploy ng mga K9 team.
Gayunpaman dahil kaunti lang ang presensya ng PNP K9, pinayuhan ng pulisya ang publiko na magtiwala sa security forces ng mga mall dahil sapat naman umano ang training ng mga security team nito.
Kasabay nito ang pagtitiyak ni Gregorio na hindi humihinto ang paikipag-ugnayan nila sa private security forces ng mga mall.
Samantala, nagsagawa naman ng coordinating conference ang PNP-SOSIA o Supervisory Office for Security & Investigation Agencies sa Camp Crame kasama ang mga mall owners, kanilang kinatawan, security agencies at mga kinatawan ng mga hotel at mga school.
Ito ay para sa maayos na koordinasyon dahil sa dumaraming bomb threat at mga bomb scares.
Kaugnay nito, inamin ni PNP spokesperson Sr. Supt. Dinardo Carlos sa Radyo Inquirer na may banta nga sa Metro Manila.
Gayunman, maitituring aniya itong mababang banta lamang at ang tugon dito ng PNP ay ang pagpapanatili ng kanilang full alert status.
Hinikayat naman ni Carlos ang publiko na huwag nang ikalat ang mga bomb scare na natatanggap sa private message o text.
Mas mabuti ayon kay Carlos na sa PNP iforward ang nasabing mga mensahe para sa karampatang aksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.