Tatlong persons of interest sa pambobomba sa Davao City, tinutunton na
Tinutunton na ng Philippine National Police o PNP ang tatlong ‘persons of interest’ na posibleng may kaugnayan sa pambobomba sa Roxas market sa Davao City noong Biyernes, na ikinasawi ng labinglima katao at ikinasugat ng higit animnapu.
Ayon kay PNP Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, kabilang sa tatlong persons of interest ay isang medium-built na lalaki na nasa edad kwarenta, at dalawang babae, na maaaring nag-iwan o nagpasabog ng improvised explosive device o IED.
Batay aniya sa mga saksi, ang naturang lalaki ay mabilis na umalis mula sa massage section ng night market, ilang segundo matapos maganap ang malakas na pagsabog.
Pero bukod sa impormasyon na ito, sinabi ni Dela Rosa na hindi muna siya maglalabas ng iba pang detalye, lalo’t hindi siya tiyak kung nasa Davao City pa ang tatlong persons of interest.
Nagsasagawa na rin umano ang pulisya ng cross-matching ng naturang tatlong tao sa gallery ng mga terorista.
Ito’y dahil nadiskubre na ang IED na ginamit sa Davao City bombing ay kahalintulad sa signature IED ni Abdul Manap Mentang, ang suspek sa Valentine’s day bombing sa Davao City Ecoland Terminal noong 2005.
Sinabi ni Dela Rosa na dahil sa ‘at-large’ pa rin si Mentang, may posibilidad na sangkot siya sa night market blast.
Sa ngayon, mayroon na aniyang walong testigo ang mga pulis, na makakatulong sa ongoing investigation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.