Babaeng hitman sa BBC report posibleng peke-Sen. Cayetano
Posibleng peke ang ulat na isang babaeng hired killer ang nagpapagala-gala sa mga lansangan sa Metro Manila at pumapatay ng mga suspek na sangkot sa illegal drugs na unang iniulat ng British Broadcasting Corp. o BBC.
Ito ang pahayag ni Senador Alan Peter Cayetano kaugnay sa naturang ulat ng BBC kung saan isang nagpakilalang ‘Maria’ na hired killer umano ang pumapatay ng mga drug lord kapalit ng halagang P20,000.
Giit ni Cayetano, malabong mangyari sa tunay na buhay ang mga eksenang ipinaliwanag sa naturang documentary kung saan inamin umano ni ‘Maria’ na bahagi siya ng grupo na pumapatay ng mga drug lords bilang bahagi ng kampanya ng Pangulong Duterte kontra sa illegal drugs.
Sa naturang dokumentrayo, sinabi pa umano ng suspek na tatlo silang babae sa naturang grupo na sumusunod sa utos ng kanilang ‘boss’ na pulis.
Nagagawa umano nilang makalapit sa mga drug lords at mapatay ang mga ito dahil sa kanilang pagiging babae.
Gayunman, giit ni Cayetano, may posibilidad na may ilang grupo lamang ang nagtatangkang sirain sa international community ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa illegal drugs kaya’t may mga lumalabas na ganitong uri ng balita.
Mistulang malayo aniya sa realidad ang kwento na isang babae ang malayang makakalapit sa isang drug lord at mapatay ito gamit ang caliber .22.
Kung susuriin aniya, mistulang hango sa isang pelikula ng American actress na si Bridget Fonda ang mga ipinaliwanag ng babaeng nakapanayam ng BBC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.