“Mahirap tukuyin ngayon kung sino ang bayani at hindi”-SJ De Castro

By Jay Dones September 01, 2016 - 04:24 AM

 

Inquirer file photo

Ang Libingan ng mga Bayani ba ay para sa mga bayani lamang o puntod ng pagkilala sa mga sundalo?

Dito sumentro ang diskusyon sa oral arguments kahapon sa mga petisyon na humihiling sa Korte Suprema na pigilin ang nakaambang paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa naturang sementeryo.

Ayon kay Justice Teresita J. Leonardo-de Castro, mahirap sa panahong ito na tukuyin kung sino ang dapat na maituring na bayani o ‘hero’ kung walang ahensya ng gobyerno na naatasan para gawin ito.

Paliwanag ni De Castro, binago noong panahon ni dating Pangulong Ramon Magsaysay ang pangalan ng naturang sementeryo mula sa orihinal nitong pangalan na Republic Memorial Cemetery tungong Libingan ng mga Bayani upang kilalanin ang mga nakalibing doon na mga sundalo .

Ilang taon pa ang lumipas bago pinayagan na mailibing sa lugar ang iba pang nasawi na walang ‘military background’.

At dahil hindi pinangangasiwaan ng National Historical Commission ang naturang sementeryo, nangangahulugan aniya na may ‘military background’ ang LIbingan ng mga Bayani.

Gayunman, giit ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, dapat sumentro ang argumento sa kung karapat-dapat bang mailibing sa LNMB ang isang kilalang nagnakaw sa kaban ng bayan at lumabag sa karapatang pantao.

Kabilang sa mga dumalo sa naturang oral arguments ay mga kinatawan ng mga grupo na biktima ng human rights violation sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Sa pahayag ni Atty. Edcel Lagman kung saan ang kanyang kapatid ay biktima ng ‘involuntary disappearance’ maituturing na ‘national tragedy’ kung matutuloy ang libing ng isang ‘diktador’ sa LNMB.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.