Pagtatalaga ng mga OIC sa mga baranggay binuhay sa Kamara
Isinusulong ngayon ng minority block sa Kamara ang pagkakaroon ng mga Officer-in-Charge (OIC) sa mga barangay sa buong bansa hanggang sa October 2017 o sa panahon na matutuloy na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ang pahayag ay kasabay na rin ng pagpabor ng oposisyon sa panukalang pagpapaliban sa halalang pambarangay at SK upang mawalis na rin ang narco-politics sa barangay level.
Ayon kay House minority leader at Quezon Rep. Danilo Suarez, uubrang si Pangulong Rodrigo Duterte o kaya ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang magtalaga ng mga OIC sa bawat barangay.
Paliwanag ng Kongresista, mas mainam ang pagtatalaga ng mga OIC kaysa sa hold-over position ng mga incumbent na barangay officials.
Sinabi ni Suarez, sa pamamagitan ng pagtatalaga ng OIC ay makikita raw ang kakayahan ng mga ito at kapag maganda ang performance ay maaring sila na rin ang tumakbo bilang “Chairman” sa halalan.
Katwiran pa ni Suarez, mapanganib kapag nanatili pa ang kasalukuyang barangay officials sa kanilang puwesto, lalo na ang mga sangkot sa iligal na droga at iba pang masasamang aktibidad.
Iginiit pa nito na alam at kilala naman ng mga Local Government Units ang mga opisyal na sangkot sa iligal na gawain kaya maaaring i-report ang mga ito sa DILG.
Para kay Senior Deputy Minority leader Lito Atienza, bagama’t may downside ang kanilang panukala ay malaki naman ang advantage nito dahil malilinis ang barangay level laban mga narco-politician.
Pagtitiyak naman ni Kabayan Partylist Rep. Harry Roque, ang appointment ng barangay OICs ay hindi unconstitutional dahil ang batas lamang ang nagsasabi ng term limits ng mga LGU officials.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.