Eduardo Manalo, itiniwalag sa INC ang sariling ina at kapatid

July 23, 2015 - 04:02 PM

Angel and Tenny Manalo
Photograb from Youtube

Itinawalag ni Iglesia ni Cristo Executive Minister Eduardo Manalo ang sarili niyang ina at kapatid matapos ang expose’ ng mag-ina sa Youtube video na nagsasabing may banta sa kanilang buhay.

Sa isang press conference, inihayag ni INC General Evangelist Bro. Bienvenido Santiago ang ipinataw na ‘expulsion’ kay Felix Nathaniel “Angel” Manalo nakababatang kapatid ni Ka Eduardo at sa nanay nilang si Christina na kilala sa tawag na Ka Tenny.

Batay sa video na naka-post sa Youtube, nananawagan ng tulong si Angel Manalo dahi nasa panganib umano ang kanilang buhay. Sa video post, ito ang sinabi niya, “Ako po si Angel Manalo anak po ako ng Ka Erdy at Ka Tenny, mga kapatid po namin sa Iglesia ni Kristo, nananawagan po kami sa inyo dahil nanganganib po ang aming buhay. Sana’y matulungan niyo po kami.”

Bahagi din ng video ang pahayag ng ina nilang si Ka Tenny na tanging larawan lamang at boses ang ipinakita sa video recording. Sa kaniyang pahayag, humihingi ng tulong si Ka Tenny dahil may panganib umano sa kanilang buhay. Hindi naman nilinaw kung saan nagmumula ang banta sa kanilang buhay.

Binanggit din ni Ka Tenny na may mga ministro ng INC na dinukot at hanggang sa ngayon ay hindi pa nakikita.

“Ako po si Ka Tenny Manalo, biyudad ng Ka Erdy Manalo, ang naging tagapamahalang pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo sa loob ng 46 na taon. Ako’y nananawagan sa aming mga kapatid sa Iglesia na tulungan ninyo kami dahil may panganib sa aming buhay saklolohan ninyo ang aking mga anak si Angel at Lotie at ang kanilang mga kasama. Tulungan niyo rin ang mga ministro na dinukot at hanggang ngayon ay hindi pa nakikita, kaawaan natin sila at ang kanilang pamilya,” ayon kay Ka Tenny.

Sa nasabing video din, sinabi ni Ka Tenny na sana ay makausap niya ang anak na si Eduardo.white band

Magugunitang naupo si Ka Eduardo Manalo bilang Executive Minister ng INC nang masawi ang kanilang ama na si Eraño “Erdy” Manalo noong August 2009.

Samantala, isang DVD naman ang ipinamigay ng panig ng Iglesia ni Cristo sa mga mamamahayag na nagbabantay sa INC Central Office na nagpapaliwanag umano sa mga tunay na pangyayari sa likod ng sinasabing alegasyon laban sa Punong-Ministro Eduardo V. Manalo.

Ilang miyembro rin ng INC na sumusuporta sa panawagan ng mag-inang Tenny at Angel ang nagtungo sa tahanan ng mga ito sa Tandang Sora Quezon City upang magsimulang mag-vigil.

Suot ng mga ito ang puting laso sa kanilang kamay na nagsisimbolo anila ng kanilang pagsuporta sa mag-ina.- Jong Manlapaz/Dona Dominguez-Cargullo

 

 

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.