Pagpapaliban sa Barangay at Sk polls, pinadedesisyunan na sa Kamara
Muling iginiit ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na ipagpaliban ang halalan para sa barangay at Sangguniang Kabataan, sabay kalampag sa Kamara na desisyunan na ang naturang usapin.
Ayon kay Barbers, kailangang magdesisyon na ang kongreso sa susunod na dalawang linggo kung itutuloy o hindi ang Barangay at SK elections dahil nauubos na ang panahon habang papalapit na ang October 31, 2016.
Binigyang-diin ng mambabatas na masasayang lamang ang pondo ng gobyerno kapag tinapos ng Commission on Elections o Comelec ang pag-imprenta ng mga balota at pero maipagpapaliban pala ang botohan.
Una nang inihain ni Barbers ang House Resolution 51 na nananawagan sa pagpapaliban ng 2016 Barangay at SK elections hanggang makapagdesisyon ang Kongreso ng petsa para rito.
Paliwanag ng Kongresista, noong Mayo ay ginanap ang Presidential elections at masyadong dikit sa halalang pambarangay at SK.
Layon din ng pagpapaliban ng eleksyon na suportahan ang plano ng administrasyon na pagbabago ng porma ng gobyerno tungo sa pederalismo.
Kapag naaprubahan, sinabi ni Barbers na ang gagawing plebesito para sa federalism ay maaaring gawin sa loob ng 2-3 taon at dito pwede isabay ang barangay at SK polls.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.