Pag-imprenta ng mga balotang gagamitin sa Brgy at SK polls, nag-umpisa na ngayong August 21

By Isa Avendaño-Umali August 21, 2016 - 11:33 AM

File Photo
File Photo

Opisyal nang sinimulan ng Commission on Elections o Comelec ang pag-iimprenta ng mga balotang gagamitin sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections.

Sa National Printing Office o NPO, sa Quezon City, nagkaroon muna ng walk-through sa pangunguna ni Comelec Chairman Andres Bautista bago ang pag-uumpisa ng ballot printing.

Ayon kay Bautista, walumpu’t limang milyong mga balota ang dapat maimprenta ng NPO, at aabot sa animnapung araw para makumpleto ang ballot printing.

Paliwanag nito, kailangan ng NPO na mas mahabang panahon para sa pag-imprenta ng mga balota dahil mas maraming balota ang kinakailangan para sa SK elections.

Dagdag ni Bautista, iba ang mga balotang gagamitin sa barangay at SK polls kumpara sa ginamit noong nakalipas na Presidential elections noong Mayo.

Paalala ng Comelec chairman, mano-mano o manual ang halalang pambarangay at SK, hindi gaya noong May polls na automated at ibang uri ng balota ang ginamit.

Kinumpirma naman ni Bautista na bago o sa mismong araw ng September 16, 2016 ay ilalathala ng Comelec ang certified at final list ng mga botante.

Batay sa rekord ng Comelec, nasa 3,095,187 ang application for registration para sa lokal na halalan.

TAGS: 2016 Barangay & SK elections, comelec, 2016 Barangay & SK elections, comelec

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.