Pormal ng nagdeklara ng kandidatura sa 2016 elections si Manila 5th district Congressman Amado Bagatsing para sa pagiging Alkalde ng lungsod.
Magsisilbing running mate ni Bagatsing si Councilor Ali Atienza na tatakbo naman sa pagka-vice mayor.
Sa isang press conference at launching of candidacy sa Pandacan Maynila, iginiit nina Bagatsing at Atienza na magiging sentro ng kanilang programa ang pagbabalik ng libreng pagpapa-ospital at gamot sa Maynila na ayon sa kanila ay tinanggal ng maupo ang kasalukuyang alkalde na si Mayor Erap Estrada.
Maliban pa dito tututulan din umano nila ang ginagawang privatization sa pitong palengke sa Maynila partikular ang Quinta Market sa Quiapo.
Sinabi nina Bagatsing at Atienza na hindi akma sa pag-unlad ng isang lungsod kung pababayaan ang pribadong korporasyon na magsaayos at magpatakbo ng mga palengke.
Tututukan din nina Bagatsing at Atienza ang kanilang programa sa edukasyon at irerehistro ang maigting na pagtutol sa pinaiiral na K to 12 program ng Department of Education (Deped).
Inaasahang mahigpit na makakatunggali ni Bagatsing sa 2016 elections si Mayor Estrada na nauna nang nagsabi na hindi pa niya iiwan ang Maynila.
Ilang beses na ring napaulat na tatakbo muli sa mataas na posisyon si Estrada pero sa mga panayam dito, sinabi niyang pagka-alkalde pa rin ng Maynila ang kanyang balak para sa susunod na taon./Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.