Muling kinastigo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang United Nations dahil umano sa pakikialam nito sa kampanya kontra droga sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga tauhan ng Philippine National Police, kinwestyon ni Duterte ang mabilis umanong pagkondena ng UN sa bilang ng napapatay na drug suspects sa bansa gayong marami pang ibang insidente ng karahasan sa maraming panig ng mundo.
“Why would the United Nations be so easy to be swayed into interfering into the affairs of the republic? There are about just 1,000 (dead) and there are a lot of people — innocent women, children, young women, young men, old women being killed elsewhere in the world.” Giit ng pangulo.
Aniya, wala siyang naririnig mula sa UN at kay UN chief Ban Ki-Moon ukol sa mga insidente ng pagpatay at pambobomba sa Gitnang Silangan kung saan marami rin ang nasasawi.
Gayunman, taliwas sa obserbasyon ni Pangulong Duterte, may ilang insidente ng karahasan ang kinondena ng UN nitong nakalipas na mga araw.
Kabilang na ditto ang napaulat na airstrike sa isang ospital sa Yemen na ikinasawi ng 11 katao.
Kinondena rin nito ang pag-atake sa northeastern Congo na ikinasawi ng 36 katao.
Matatandaang dati na ring binanatan ni Pangulong Duterte ang United Nations nang punahin nito ang pahayag ng pangulo ukol sa pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.