Ex-RCBC Branch Manager Maia Deguito, inaresto sa kasong perjury
Arestado sa kasong perjury ang dating branch manager ng Rizal Commercial Banking Corporation o RCBC na si Maia Deguito na sangkot din sa 81 million dollar money laundering scandal.
Naaresto si Deguito sa isang supermarket sa lungsod ng Makati kanina, bandang alas otse ng gabi.
Una nang nagpalabas ng warrant of arrest noong August 10 si Pasay Regional Trial Court Branch 46 Judge Eduardo Cruz Solangon Jr. laban kay Deguito.
Sinabi naman ng abogado ni Deguito na hindi nakasaad sa warrant of arrest ang pangalan ng naghain ng reklamo laban sa kanyang kliyente.
Hindi rin aniya sumailalim sa preliminary investigation si Deguito na dapat maging basehan ng pag-aresto sa kanya.
Samantala, bagaman naglabas ng release order para kay Deguito si Pasay City Regional Trial Court Branch 45 Judge Remiebel Buendia, hindi pa rin siya napayagang makalaya dahil sa kakulangan umano ng mga kaukulang dokumento.
Dahil dito, mananatili sa piitan si Deguito hanggang sa magbukas ang mga opisina ngayong araw at makapag-lagak siya ng P6,000 na pyansa.
Matatandaang inihabla ni dating RCBC president Lorenzo Tan si Deguito at ang kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio dahil sa libel at maling testimonya sa kanyang pahayag ukol sa 81 million dollar money laundering scheme na pondo ng Bangladesh central bank.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.