Duterte, muling ipinangako ang pagdodoble sa sweldo ng mga pulis at militar
Muling ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police ang pagdadagdag sa sweldo ng mga pulis simula sa buwan ng Disyembre.
Ito ay kahit pa sinabi na ni Budget Sec. Benjamin Diokno na walang itinakdang pondo para sa nasabing dagdag sweldo sa 2017 national budget.
Sa talumpati ni Duterte sa pagdiriwang ng 115th anniversary ng PNP Police Service sa Camp Crame, tiniyak ng pangulo na dodoblehin niya ang tinatanggap na sweldo ng mga pulis, at mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) simula sa buwan ng Disyembre ngayong taon.
Ang pagtataas aniya sa sweldo ay bilang kapalit sa buong suporta na ibinibigay ng mga pulis at militar sa kanya.
Karapat dapat lamang aniya ang nasabing hakbang dahil kalakip sa trabaho ng mga pulis at militar ay ang pag-aalay ng kanilang mga buhay kung saan mga kriminal ang kanilang kinakaharap araw araw.
Matatandaang simula pa noong campaign period ay isa sa mga pangako ni Duterte ang pagdodoble sa sweldo ng mga kawani ng PNP at AFP.
Ito rin aniya ang daan para mahimok ang mga alagad ng batas na umiwas sa anumang katiwalian.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.