18,000 na dinamita, natagpuan sa minahan sa Sultan Kudarat
Tinatayang nasa 18,000 sticks ng dinamita ang nasabat ng mga pulis at militar sa isang abandonadong minahan sa isang liblib na lugar sa bayan ng Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Ayon kay Sultan Kudarat police director Senior Supt. Raul Supiter, nadiskubre ng mga residente ang mga pampasabog sa abandonadaong minahan ng Ippo China Mining Company sa Brgy. Saripinang.
Tinimbrehan agad ng mga residente ang mga pulis, ngunit kinuha ng ilang magsasaka ang ilan sa mga dinamita.
Dahil dito ay nananawagan ang mga pulisya sa mga magsasaka na isuko na ang mga ito dahil bukod sa mapanganib, isang krimen ang pag-iingat ng mga dinamita.
Ayon pa kay Supiter, nasa 60 kahon ang kanilang narekober na naglalaman ng 300 piraso kada isang kahon.
Natagpuan rin ng mga pulis at bomb experts sa isang laboratoryo ang ilang mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng mga pampasabog.
Napag-alaman ng Inquirer mula sa mga residente na nagmi-mina doon ng tanso at ginto ang mga Korean o Chinese nationals.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.