Nagsagawa ng sarili nilang bersyon ng State of the Nation Address (SONA) sa harap ng gusali ng korte suprema sa Padre Faura St. sa Maynila ang grupo ng mga drivers at operators na tinawag nilang SOTA o State of the Transport Address.
Nagtipun-tipon muna sa Plaza Salamanca sa TM Kalaw ang mga drivers at operators at saka nag-martsa patungo sa Korte Suprema habang isinisigaw ang anila ay limang taong pagdurusa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Hiniling ng grupo sa mataas na hukuman na desisyunan na ang kahilingan nilang ipahinto ang pagpapatupad ng joint administrative order ng Department of Transporation and Communication (DOTC), Land Transportation Office (LTO) at ng Land Transporation Franchising and Regulatory board (LTFRB) na nagpapataw ng mas mataas na multa sa mga paglabag sa traffic rules.
Sa ilalim ng nasabing kautusan, simula noong June 19, 2014, mas malaki na ang multa sa mga tsuper at operators sa sandaling sila ay lumabag sa mga batas trapiko. Kabilang dito ang P1 milyon multa sa mga operators kapag nahuli ang mga bus nila na bumibiyahe ng colorum, P200,000 naman sa mga operators ng mga colorum na truck at van, P120,000 sa mga colorum na sedan, P50,000 sa mga colorum na jeep, at P6,000 sa mga colorum na motorsiklo.
Ayon sa grupo ng mga drivers at operators, labag sa saligang batas ang nasabing kautusan dahil ginagamit lang ito na “revenue generation” ng tatlong ahensya.
Ayon kay Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) President George San Mateo, higit sang taon na ng isampa ang petisyon sa Supreme Court pero hanggang ngayon ay wala pa ring desisyon kahit man lang sa hinihiling nilang TRO laban sa nabanggit na administrative order.
Inaasahang isa ang petisyon ng mga drivers at operators sa mga matatalakay ng korte suprema sa regular na en banc session nito ngayong araw./ Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.