Duterte: Multa mula sa mga tax evaders ilalaan sa rehab ng mga adik
Ibubuhos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rehabilitasyon ng mga durugista ang makokolektang buwis mula sa mga mayayamang tax evaders sa bansa.
Paliwanag ng pangulo, hindi kasi biro ang rehabilitasyon para sa mahigit 600,000 drug addicts na sumuko na sa mga awtoridad.
Sinabi pa ng pangulo na kailangan ding lagyan ng mahigpit na seguridad ang mga itatayong rehabilitation centers at gagawing nationwide ang nasabing programa.
Hinimok pa ng pangulo ang mga tax evaders na sa halip na takasan ang batas ay tumulong na lang sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Sa kanyang talumpati kamakailan, sinabi ni Duterte na isusunod niya sa kanyang kampanya ang pagsasampa ng kaso sa mga negosyanteng nandadaya sa pagbabayad ng buwis.
Sa kasalukuyan ay kinukumpleto na lamang umano niya ang listahan ng mga ito na magmumula naman sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.