Exclusive: Listahan ng mga local government official na sangkot sa droga, isinumite na sa Malakanyang noon pang 2010

By Arlyn Dela Cruz August 09, 2016 - 03:04 PM

DIONISIO SANTIAGOTaong 2010 nang isumite ni retired General at dating director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Dionisio Santiago kay dating Pangulong Benigno Aquino III ang listahan na naglalaman ng pangalan ng mga local government officials na hinihinalang sangkot sa illegal drug trade bilang mga protektor, operator at distributor.

Anim na buwan matapos maisumite ni Santiago ang listahan, sinibak siya sa puwesto.

“Tinanggal nila ako, kasi ako raw yung tarantado, tapos ‘yung tarantado talaga, ‘yun ang napuwesto pa sa mas mataas na posisyon,” ayon kay Santiago sa exclusive interview sa Radyo Inquirer 990AM.

Si Santiago ay itinalaga bilang PDEA Chief noong 2006 sa panahon ni dating pangulo Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon kay Santiago, inatasan noon ang PDEA na maglatag ng comprehensive report sa status ng illegal drugs trade sa bansa nang magsimulang manungkulan sa pwesto si Aquino noong 2010.

Idinkelara kasi noon ng Aquino administration na maituturing nang national security problem ang illegal drugs trade, kaya kinakailangan ng comprehensive report para matukoy ang mga hakbang na dapat gawin ng executive department.

Ayon kay Santiago, sa isinumite niyang listahan, may mga pangalan ng gobernador, mayors, vice mayors, councilors at barangay captains na kasama.

Pawang mga tauhan aniya mula sa inter-agency o various intelligence units na nagsasagawa ng kampanya laban illegal drugs ang pinagmulan ng impormasyong inilagay sa listahan.

“In short, puro mga law enforcers yun na involved sa paghahabol sa sindikato ng droga.

Yun ang nagbuo ng listahan. We identified names per area and included it in the OB,” dagdag pa ni Santiago.

Ang OB ay nangangahulugang Order of Battle o listahan ng mga suspected na sangkot sa paglaganap ng droga.

Ani Santiago, noong isinumite niya ang listahan ng drug personalities, hindi naman niya inaasahang gagawa agad ng hakbang si dating Pangulong Aquino, dahil nasa law enforcement agencies pa rin gaya ng PDEA ang trabaho para sa pagbuild-up ng kaso laban sa mga sangkot.

“Trabaho pa rin namin yun, iba nga lang si President Duterte, he acted on the list, a different and updated list, and now, we see totally new direction on the war on drugs,” sinabi pa ni Santiago.

Ani Santiago, tama lamang para sa kaniya ang ginawa ni Duterte na paglalabas ng listahan dahil sa pamamagitan nito ay makukuha ng punong ehekutibo ang suporta ng publiko.

Sinabi ni Santiago na may pagkakapareho ang listahan ni Duterte sa listahan na isinumite niya noon sa Malakanyang.

Gayunman, may ilang local government units na sangkot sa illegal drugs trade ang hindi pa nabanggit sa listahan ni Duterte. “May kulang pa nga eh, may mga gobernador na hindi pa nababanggit, Hintayin natin, baka mapangalanan din sila.

Ayokong magbanggit ng mga pangalan at may susunod pa naman daw sa listahan,” ayon kay Santiago.

Ayon kay Santiago, may malalaking pangalan pa ng lokal na opisyal ang hindi pa nababanggit.

“I do not know if they are in the list submitted to President Duterte but in their areas, it’s public knowledge that these prominent families who are in politics are into illegal drugs trade,” dagdag pa ni Santiago.

Sa panayam kay Santiago off the air sa pamamagitan ng telepono, binanggit nito na ang pangalan ng ilan pang local officials, dalawa sa kanila ay pawang incumbent officials sa Region 4-A, at ang isa ay prominenteng pulitiko hindi lang sa Metro Manila kundi kilala sa buong bansa.

“Magtanong ka sa Binondo, sila ang inginunguso,” ani Santiago.

Hindi na rin nabigla si Santiago nang may mabanggit na mga huwes sa “Duterte list”.

Aniya, sa Baguio City, hindi sila nanalo-nalo sa mga kasong isinasampa nila at hinahawakan ni Judge Antonio Reyes.

Dumating pa aniya sa punto na tila nawawalan na sila ng ganang magsampa ng kaso dahil lagging nababasura.

“Wala kaming naipapanalong kaso. Siyempre may bulong-bulong na may nangyari at bakit di pabor sa law enforcers ang desisyon, pero sabi-sabi yun, mahirap na patunayan, unless mahuli mo talaga na nagka-ayusan o naareglo,” sinabi pa ni Santiago.

Aniya, taong 2008 nang makipag-usap sa kaniya si Judge Reyes sa PDEA office sa Quezon City.

“Nagpaliwanagan kami, na-te-technical daw kami, pero siyempre, hindi naman palaging technical na lang issue sa amin, hindi rin namin matanggap yun.

Nagpaliwanag siya sa desisyon niya, pero kami naman, ginawa na namin ang lahat para maging solid yung case, wala pa rin”.

Maliban sa Baguio City, binanggit din ni Santiago ang Cotabato City, na noon pa aniya ay laging nababasura lamang ang mga kasong may kaugnayan sa droga.

“Lagi na lang ba kaming mali at ma-te-technical? Umabot kami sa pakiramdam na helpless, walang ma prosecute na big fish talaga”.

Si Santiago ay naitalaga bilang PDEA Chief nooong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at tinanggap sa pwesto, anim na buwan matapos manungkulan si Aquino.

Bagaman sinusuportahan niya ang kampanya ni Duterte, binalaan ni Santiago ang ang mga law enforcers, lalo na ang mga nagsusumite ng listahan kay Duterte na tiyakin ang mga ibinibigay nilang impormasyon at tiyaking may sapat na batayan pa ramakasuhan ang mga sangkot.

“Baka isipin, may inililigtas kayo at hindi ninyo sinasabi lahat kay Presidente Digong” ayon kay Santiago.

TAGS: Aquino, duterte, Illegal Drugs, Santiago, Aquino, duterte, Illegal Drugs, Santiago

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.