Top 2 drug personality sa Central Visayas, marami nang ikinanta sa PNP
Marami na umanong ‘ikinakantang ‘ impormasyon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang sumukong drug lord na si Franz Sabalones.
Ito ang inihayag ni CIDG Dir. Chief Supt. Roel Obusan matapos na mai-turn over ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa sa CIDG si Sabalones na number 2 drug lord ng Central Visayas.
Ayon kay Obusan, sa ngayon maituturing nila na best source si Sabalones dahil sa dami ng mga ikinanta nitong mga personalidad na sangkot sa illigal na droga sa Region 7 kung saan ito nag-ooperate.
Sa katunayan, mas madami pa umano silang nakuhang impormasyon mula kay Sabalones kaysa sa 30 government officials na una na nilang kinunan ng judicial affidavit.
Sa ngayon ay mananatili muna sa CIDG ang nasabing drug lord dahil hindi pa tapos ang imbestigasyon nila hinggil dito.
Pero iginiit ng opisyal na pinili ni Sabalones na pansamantalang manatili sa pangalaga ng CIDG dahil nangangamba din ito sa kanyang sariling kaligtasan matapos nitong pangalangan ang mga dawit sa operasyon ng iligal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.