Bato, aminadong may mga pagkakamali sa narco-list ni Duterte
Inamin naman ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na may mga ilang pagkakamali sa listahan ng mga sangkot sa iligal na droga na inilahad ni Pangulong Rodrigo Duterte
Kabilang sa mga pagkakamaling ito, ay ang pagtukoy sa isang judge na matagal na palang patay, isang tinukoy na congressman ngunit kailanman ay hindi naging mambabatas, at isang retiradong heneral na matagal na ring patay, habang ang iba ay wala na serbisyo.
Iginiit ni Dela Rosa na hindi galing sa mga usap-usapan o kaya ay listahan ng mga hindi sumuporta sa kaniya noong halalan ang inilabas na listahan ng pangulo dahil ito ay lehitimo.
Panawagan pa ni Dela Rosa, sa halip na pagtuunan ang mga pagkakamali, mas maiging pansinin ang magandang naidulot ng malawakang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Aminado rin si Dela Rosa na hindi naman madaling pabagsakin ang mga drug lords hanggat walang komprehensibong case build up.
Gayunman, hindi man ganoon nila mapabagsak ng mga ito o tumanggi man sila nang tumanggi, alam na ng mga tao kung sino sila.
Lahat naman ng mga tumungo sa Camp Crame kahapon ay pawang mga hindi sumuko, kundi nais lang linisin ang kani-kanilang mga pangalan matapos madawit sa mahabang listahan ng pangulo.
Sa 58 na tumungo doon, 31 sa kanila ay mga pulis at 27 naman na mga lokal na opisyal. / Kabie Aenlle
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.