Barangay & SK elections sa Oct. 31, mano-mano
Taliwas sa nakalipas na May 9 Presidential elections na idinaan sa automated na proseso, mano-mano ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK polls sa October 31, 2016.
Ito ang kinumpirma ng Commission on Elections o Comelec, bilang paalala sa mga botante lalo’t baka malito umano ang mga ito at isipin na automated na pa rin ang magaganap na botohan.
Sa isang statement, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na ang ‘old manual voting and counting method’ ang paiiralin sa halalang pambarangay at SK.
Paliwanag ni Jimenez, sa eleksyon sa October 31, gagamit ang mga botante ng mga blangkong balota kung saan isusulat nila ang mga pangalan ng mga ibobotong kandidato.
Para sa Barangay polls, ang mga kwalipikadong botante ay dapat rehistrado at nasa edad labing walo pataas, upang maihalal ang isang barangay chairman at pitong barangay kagawads.
Sa SK elections naman, ang mga rehistradong botante ay 15 hanggang 30 years old, at makakaboto ng isang chairperson at pitong SK members para sa barangay.
Kaugnay nito, sinabi ni Jimenez na sisimulan na ang pag-imprenta sa mga balota sa August 21, 2016.
Kabuuang 85 million na mga balota ang kailangang maimprenta, kung saan 62 million ay para sa barangay elections, habang 23 million para sa SK polls.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.