Provisional release sa 10 political prisoners, ibinasura ng SC; 2 ang pinalaya para lumahok sa peace talks
Ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan ng Office the Solicitor General (OSG) na pansamantalang palayain ang sampung political prisoners.
Base sa resolusyon ng Supreme Court en banc, hindi lamang usapin ng pagsuspinde sa technical rules on procedure ang urgent motion na inihain ng OSG dahil ito ay sasaklaw din sa substantive issue at jurisdiction ng Regional Trial Court (RTC) na dumidinig ng kaso.
Sinabi ng Korte Suprema na ang pansamantalang pagpapalaya sa sampung political prisoners ay magkakaroon ng epekto sa pagganap ng mga RTC ng kanilang original jurisdiction sa kaso ng sampu.
Ayon sa Korte Suprema dapat maghain ng kaukulang pleadings at motions ang petitioner sa tamang RTC at ang nasabing petitisyon ay bibigyang prayoridad ng mga nasabing korte dahil sa importansya ng pagdalo ng mga ito sa usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway.
Kabilang sa mga hindi pinayagan na mabigyan ng provisional liberty ay sina Tirso Alcantara, Ma. Loida Magpatoc, Alex Birondo, Adelberto Silva, Winona Birondo, Benito Tiamzon, Maria Concepcion Bocala, Wilma Tiamzon, Reynante Gamara, at Alan Jazmines.
Samantala, pinagtibay naman ng Mataas na Hukuman ang desisyon ni Manila RTC Branch 32 Judge Thelma Bunyi-Medina na nagbibigay ng pansamantalang kalayaan kina dating Bayanmuna Party List Rep. Satur Ocampo, at mga consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na sina Rafael Baylosis, Randal Echanis, at Vicente Ladlad.
Sinabi ng korte na ang karagdagang anim na buwang provisional liberty kina Ladlad at Echanis ay para lamang sa paglahok ng mga ito usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway.
Kailangan din ayon sa korte na magreport ang mga ito sa embahada ng Pilipinas sa Oslo at dapat bumalik sila sa Pilipinas matapos ng negosasyon.
Nagtakda ng P100,000 na cash bond ang korte para sa provisional liberty ng mga nabanggit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.