VP Robredo nababahala na sa ‘culture of violence’ sa bansa
Nababahala na si Vice President Leni Robredo sa paglaganap ng kultura ng karahasan at pagpatay sa bansa ngayon.
Bukod dito, dismayado na rin siya sa pagiging tahimik ng publiko sa mga sunud-sunod na pagpatay kamakailan bunsod ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.
Dalawang beses nang naglabas si Robredo ng mga matitinding pahayag ng pag-kondena sa mga extrajudicial killings o iyong tinatawag ngayon na “cardboard killings,” dahil sa pagdami ng mga napapatay araw-araw.
Ayon sa bise presidente, sa ngayon ay pinanghahawakan niya ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya hahayaang lumaganap ang extrajudicial killings at kailangan pa ring manaig ng batas.
Hindi pa niya nakakausap ang pangulo tungkol sa isyu na ito, ngunit umaasa siyang oras na mapag-usapan nila ito ay pakinggan siya ni Duterte.
Sa ilang beses naman aniya na nakasama niya ang pangulo, naniniwala siyang si Duterte ay isang pinuno na marunong makinig, kaya ihahayag na niya mismo sa pangulo ang kaniyang pagkabahala sa mga pangyayari.
Umaasa rin si Robredo na marami ang susunod sa kaniyang pag-kondena sa mga extrajudicial killings, dahil kailangan talaga ng isyu na ito ang boses ng publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.