Kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng pag-courtesy call ng PPCRV na nakapasok na sa Pilipinas ang operasyon ng Mexican drug cartel na Sinaloa.
Ayon sa Pangulo, ito ang dahilan kung kaya lalong lumala na ang operasyon ng iligal na droga sa Pilipinas dahil sa pagpasok ng Sinaloa na pinakamapanganib at pinakamakapangyarihang sindikato ng droga sa buong mundo.
Ginagamit aniya ang transshipment point ng nasabing drug cartel ang Pilipinas dahil naghihigpit ang US sa pagpasok ng illegal drugs sa kanilang bansa.
Kung hindi aniya kikilos ang kanyang administrasyon ngayon ay narco-politicians na ang magpapatakbo ng bansa sa susunod na pitong taon.
Nagsibatan na aniya ang mga bigtime druglord sa takot mula nang maupo siya sa palasyo kaya ang mga apparatus na lang o ang merkado ng illegal drugs ang kanyang dinudurog upang maubos na ang mga tumatangkilik .
Matatandaan na noong Enero 2015 ay nadakip sa Makati City ng mga operatiba ng PDEA si Horacio Hernandez, 39, isang Mexican national na umano’y bahagi ng Sinaloa drug cartel sa aktong nagbebenta ng cocaine na nagkakahalaga ng P12-M.
Nauna rito’y sinalakay ng otoridad ang cock-fighting farm sa Lipa City, Batangas at nakumpiska ang 84 kilos ng shabu sa umano’y kuta ng mga galamay ni Sinaloa drug cartel leader na si Joaquin “El Chapo” Guzman.
Wala nang napaulat kung ano ang kinahitnan ng mga isinampang kaso laban sa mga umano’y galamay ni El Chapo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.