Mayor Espinosa at anak, dadaanin sa Oplan Tokhang ng PNP
Matapos bigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ultimatum ang Mayor sa Leyte na si Ronaldo Espinosa Sr. at ang anak niyang si Kerwin para sumuko dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga, may plano na agad ang Philippine National Police (PNP).
Ayon sa pahayag na inilabas ng PNP, Lunes ng gabi, dadaanin nila sa Oplan Tokhang ang mag-amang Espinosa, bilang pag-sunod na rin sa direktiba ng Commander in Chief.
Pupuntahan nila ang mga Espinosa sa kanilang tahanan at saka pakikiusapan na sumuko na bago pa matapos ang ibinigay sa kanilang 24-oras ng pangulo.
Babala pa ng PNP sa kanilang pahayag, sakaling papalag ang mga ito at ilagay sa kapahamakan ang mga tao sa paligid niya lalo na ang kanilang mga tauhan, hindi sila mangingimi na depensahan ang kanilang mga sarili.
Una nang nagpalabas ng pahayag ang pangulo sa pamamagitan ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na magpapatupad ng order of shoot on sight oras na pumalag ang mag-ama sa pag-aresto sa kanila ng mga pulis.
Kinumpirma naman ni Eastern Visayas Police regional director Chief Supt. Elmer Beltejar na isa nga sa mga “high-value targets” ng pulisya ang anak ng alkalde pagdating sa iligal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.