Inquest sa road rage suspect, isasagawa bukas sa DOJ
Bukas na idadaan sa inquest proceedings sa Department of Justice ang road rage suspect na si Vhon Martin Tanto na nakakulong ngayon sa Manila Police District.
Si Tanto ay nahaharap sa kasong murder at frustrated murder matapos mapatay ang siklistang si Mark Vincent Garalde.
Ito ay inaasahang masasabay sa nakatakdang libing ni Mark Vincent Garalde na binaril hanggang sa mapatay ng suspek makaraan ang away sa kalsada noong nakaraang lingo.
Samantala, naging mahigpit ang MPD sa pagpapapasok ng bisita sa kulungan ni Tanto at maging ang misis nito ay masinsinang kinakapkapan at sinisiyasat bago papasukin.
Nagsisisi naman umano ang suspek sa kanyang nagawa at humihingi ng kapatawaran sa pamilya ng kanyang mga nabiktima.
Nais din umano nitong bigyan ng kaukulang tulong pinansyal ang 18-anyos na dalagang biktima na tinamaan ng ligaw na bala sa naturang insidente ng pamamaril.
Samantala, kasabay ng nakatakdang libing ni Garalde, inaasahang daan-daang siklista ang dadalo sa paghahatid dito sa huling hantungan.
Ito’y bilang pakikiramay sa pagpanaw ng kapwa nila siklista na si Garalde sa insidente ng road rage na anila’y walang saysay na pagkitil ng inosenteng buhay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.