Ginagawan na ng paraan ng pamahalaan na mawala na ang mga babayaran ng publiko sa tuwing sila ay tatawag sa emergency hotline 911 at complaints hotline 8888.
Ayon kay National Telecommunications Commission (NTC) deputy commissioner Edgardo Cabarios, nakikipag-usap na ang mga telecommunications providers sa mga ahensya ng pamahalaan upang mabago ang matagal nang kasunduan sa pagitan nila kaugnay sa pagpapatupad ng tariffs sa mga tawag sa government hotlines.
Tinutulungan na aniya ng NTC ang mga telco providers at mga ahensya ng gobyeno na gumawa ng bagong mga kasunduan para gawing libre ang mga tawag sa mga nasabing hotlines.
Sa Department of Interior and Local Government (DILG) nakikipag-kasundo ngayon ang mga telcos para sa 911 hotline, habang sa Civil Service Commission naman para sa 8888.
Dagdag pa ni Cabarios, hindi naman maaring basta na lang itigil ang mga matagal nang kasunduan, pero tiniyak naman niya na pinag-uusapan na ito ngayon upang gawin nang libre.
Ginawa nila ang hakbang na ito matapos umani ng maraming batikos ang Globe nang i-anunsyo nilang kailangang magbayad ng customer ng P5 kada tawag sa 911 hotline bukod pa sa regular charges upang umano’y maiwasan ang prank calls.
Tinawag kasing sakim at gahaman ng mga netizens ang kumpanya dahil sa pagpapataw ng bayad para sa paghingi ng tulong ng publiko.
Paliwanag ng kumpanya, pareho lang naman ito sa dati na nilang ipinatutupad sa 117 emergency hotline, at sumusunod lang sila sa direktiba at napagkasunduan noon pa man.
Sa August 1 inaasahang magagamit ng mga publiko ang mga nasabing hotlines depende sa kanilang pangangailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.