47 kumpanya, pinasasagot sa reklamo tungkol sa pagpapalubha ng climate change
Hinimok ng Commission on Human Rights (CHR) ang 47 na kumpanyang gumagawa at nagbebenta ng mga fossil fuel products na sagutin ang mga alegasyon ng pang-aabuso sa karapatang pantao na ipinukol sa kanila dahil sa pagpapalala ng climate change.
Inihain noong nakaraang taon ang isang petisyon sa CHR laban sa mga kumpanyang ito kabilang na ang Chevron, ExxonMobil, BP, Royal Dutch Shell, Total, BHP Billiton, Glencore, Suncor at ConocoPhillips.
Ayon sa pahayag ng Greenpeace Philippines, ito ang kauna-unahang human rights investigation tungkol sa climate change sa bansa.
Nagpadala na ang CHR ng kopya ng mga reklamo sa bawat headquarters ng mga
nasabing kumpanya, na tinawag ng Greenpeace bilang “world’s largest investor-owned fossil fuel and cement producers.”
Base sa utos, kailangang mag-sumite ng kani-kanilang tugon ang mga kumpanya sa CHR sa loob ng 45 araw.
Binubuo ng 18 Pilipino at 14 civil society organizations na naka-base sa Pilipinas ang mga petitioners, kabilang na ang Greenpeace Southeast Asia.
Iginiit ng mga petitioners na labis nang naaapektuhan ng mga kalamidad ang bansa at nais nilang may maiwan pang proteksyon para sa mga kabataan ng susunod na henerasyon kaya dapat mapanagot ang mga nagpapa-lubha ng sitwasyon ng climate change.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.