PNP, aminadong napi-‘pressure’ sa direktiba ni Pangulong Duterte
Ramdam na ng mga pulis ang pressure matapos magbigay ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte na triplehin kung kinakailangan ang kanilang mga hakbang sa laban nila kontra iligal na droga.
Sa kaniyang State of the Nation Address (SONA), hinimok ni Pangulong Duterte ang mga tagapagpatupad ng batas na doblehin o triplehin pa ang kanilang laban hanggang sa sumuko, makulong o bumagsak ang kahuli-hulihan sa mga drug lords, financier at pusher.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesman Senior Supt. Dionardo Carlos, ang mas nakakaramdam ng pressure ngayon ay ang mga commanders on ground dahil sila ang personal na tutugon sa direktibang ito.
Paliwanag pa niya, magkakaroon sila ng assessment pagkatapos ng isang buwan, tatlong buwan at anim na buwan upang matukoy kung sino ang mga pumapalpak na kailangang palitan.
Mag-iisang buwan na ang laban nila kontra iligal na droga sa Linggo, at aniya doon nila malalaman kung may mga kailangang gawin ang kanilang Directorate for Operations para mas mapaigting pa ang kanilang mga operasyon.
Sa bilang ng Inquirer, 392 na ang bilang ng drug-related deaths at ang 293 dito ay napatay sa mga police operations ayon kay Carlos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.