Lupang itinambak sa reclamation ng China sa Bajo de Masinloc, galing sa bundok ng Zambales
Nagmula umano sa tatlong bundok sa lalawigan ng Zambales ang mga lupa na ipinang-tambak sa reclamation activities ng China sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Zambales Governor Amor Deloso, dalawang malaking bundok at isang maliit na bundok ng Zambales ang napatag dahil ginamit na pantambak ng China.
Ani Deloso, napansin na niya noong wala pa sya sa pwesto bilang gobernador ang kakaibang dami ng lupang hinahakot lulan ng naglalakihang mga truck.
Doon muna niya natuklasan na ang mga lupang galing sa mga kabundukan ng Zambales ay sa Scarborough Shoal dinadala.
Nagtataka si Deloso kung bakit napayagan ng provincial government na noon ay pinamumunuan ni dating Governor Hermogenes Ebdane ang pagsira sa mga bundok, pero tiyak umano niyang ito ay pinagkakitaan.
“Siyempre may kumita diyan, imposibleng wala, hindi naman hahakot lang ng hahakot ng lupa kung walang ibinabayad,” dagdag pa ni Deloso.
Sa simula ayon kay Veloso, boulders muna o malalaking tipak ng bato ang hinakot at itinambak sa reclamation site ng China at saka tinambakan ng lupa na galing sa bundok.
“Nagbuhos muna sila ng malalaking boulders sa dagat, yapos kumuha sila ng mountain soil at iyon ang itinambak,” dagdag pa ni Veloso.
Ayon kay Veloso, naiforward na niya ang usapin kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Gina Lopez at ang mga hawak niyang datos hinggil sa isyu.
Sa ngayon nag-isyu rin si Veloso ng kautusan para pansamantala ay suspindihin muna ang operasyon ng mga mining companies sa Zambales upang mabusisi niya muna ang permit ng mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.