Tumagal lang ng tatlumpung minuto ang media tour sa kontrobersyal na White House sa Camp Crame na magsisilbing official residence ng bagong hepe ng pambansang pulisya na si Police Director Ricardo Marquez.
Ngunit ang tinawag na ‘tour’ ay sa labas lamang ng official residence ng Chief ng Philippine National Police at sa bakuran nito.
Sa orientation sa media ni Philippine National Police (PNP) Acting PIO Director, Chief Supt. Wilben Mayor bago ang media tour sinabi nito na hindi maaring pasukin ang loob ng tinaguriang “White House” sa loob ng Camp Crame.
Ang tanging pinayagan ni Mayor ay ang pagkuha ng mga larawan at video sa bagong “White House” na itinayo dalawang taon pa lang ang nakakalipas. Pinayagan din na makuhanan ng larawan ang katabing gusali na lumang “White House” na naitayo naman noong taon 1985.
Sinabi ni Mayor na mas nakatipid ang PNP sa pagpapatayo ng bagong white house sa halip na i-renovate ang lumang white house na lumulubog sa tubig baha tuwing umaapaw ang creek na nasa likuran ng bahay.
Sa paglalarawan ni Mayor ang bagong ‘White House’ ay may floor area na 843 square meters at ito ay dalawang palapag. Tinaasan din ang yari nito para hindi pasukin ng tubig baha.
Ang renovation ng naturang official residence ay isinagawa noong panahon ng kontrobersiyal na dating Chief PNP na si Allan Purisima.
Makakasama ni Marquez sa ‘White House’ ang kanyang misis tatlong anak na babae.
Pitong buwan na walang tumira sa white house dahil hindi ito ginamit ng kareretirong si PNP OIC Leonardo Espina./ Jan Escosio
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.