Naglabas ng direktiba si Agriculture Secretary Manny Piñol na ipamahagi na ang mga kagamitang pang-saka na naka-tengga lamang sa iba’t ibang opisina ng Department of Agriculture (DA) sa mga dapat pagbigyan ng mga ito.
Ayon kay Piñol, tinatayang nasa P2 billion ang halaga ng mga makina at kagamitan para sa pagsasaka ang hindi pa naipamimigay sa mga grupo ng magsasaka at sa mga lokal na pamahalaan.
Paliwanag naman ng mga regional directors na hindi nila naipamahagi ang mga ito hindi pa nakakapagbayad ang mga grupo ng magsasaka ng 15% ng halaga ng kagamitang kanilang kukunin.
Ang kalakarang ito ay ipinatupad pa ni dating Agriculture Secretary Proceso Alcala, kaya naman aalamin din muna ni Piñol kung legal ba na magbayad ng 15% equity ang mga benepisyaryo sa mga suppliers ng mga kagamitan.
Sa ngayon, dahil wala pang resolusyon tungkol dito, papayagan pa rin ang mga magsasakang makuha ang mga kagamitang ito basta may pipirmahan lang silang deed of undertaking na nagsasabing sakaling legal nga ang pagbabayad ng equity, huhulugan nila ito ng hanggang sa apat na taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.