Walang ‘double standard’ sa laban kontra iligal na droga – Palasyo
Buong-buo at buhay na nakalabas ng regional office ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Davao ang negosyante at umano’y drug lord na si Peter Lim matapos makipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay taliwas sa banta ng pangulo sa kaniyang pahayag noong July 7 na ipapapatay niya si Lim sa mismong oras na babalik siya dito sa bansa mula sa kaniyang overseas trip.
Hindi naman maibigay ng Palasyo ang dahilan kung bakit tila hindi tinupad ni Pangulong Duterte ang kaniyang banta sa sinasabi niyang big-time drug lord.
Ngunit, tiniyak ni Communications Secretary Martin Andanar sa publiko na walang umiiral na ‘double standard’ sa laban ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Paliwanag ni Andanar, lumabas na si Peter Lim at tiniyak niya sa pangulo na handa siyang magpa-imbestiga para malinis ang kaniyang pangalan.
Aniya, nasa kamay na ni Lim kung paano niya mapapatunayan na wala siyang sala at hindi totoo ang ibinintang sa kaniya ni Pangulong Duterte.
Sa kanila namang pagpupulong, muling inulit ni Duterte ang banta kay Lim at sinabing oras na makakuha siya ng ebidensya, hindi siya mag-aalangan na patayin ito.
Dagdag pa ni Andanar, hintayin na lamang na lumabas ang resulta ng final investigation at ang mga ebidensyang ipi-presenta ni Lim para patunayang mali ang akusasyon sa kaniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.