Baguio Earthquake: 25 taon na ang nakalipas

July 16, 2015 - 03:54 PM

Inquirer file photo

July 16, 1990 alas-4:26 ng hapon, naganap ang isa sa pinaka-mapinsalang lindol sa Pilipinas.

Tinawag itong July 16, 1990 killer quake.

Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang lakas ng lindol sa Magnitude 7.8 at ang epicenter ay sa bayan ng Rizal sa Nueva Ecija.

Umabot sa 1,600 ang naitalang casualties sa lindol at karamihan sa mga ito ay mula sa Central Luzon at Cordillera Region.

Naging mukha ng trahedya ang Baguio City dahil sa lawak ng pinsala ng pagyanig sa naturang lungsod.

Sa panayam ng Radyo Inquirer 990AM, binalikan ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan ang mga pangyayaring gumimbal sa ating kasaysayan noong mga panahong iyun.

Malinaw pa sa alaala ni Domogan kung paanong inuga ng malakas na lindol ang sinasakyan niyang kotse.

Kitang-kita nya kung paanong nagtakbuhan ang kanyang mga kasamahan sa Law Firm palabas ng kanilang opisina.

Ilang minuto makaraan ang pagyanig ay kaagad na napuno ng mga tao ang Burnham Park at ilang oras pa ang nakalipas ay nagmistula na itong isang malaking tent city noong mga panahong iyun.

Maraming mga gusali ang gumuho kabilang na ang Hyatt Terraces Hotel at Hotel Nevada at naging isolated ang lungsod sa loob ng halos ay isang buwan.

Eksaktong dalawampu’t limang taon ang nakalipas kumusta na ba ang Baguio City?

Sinabi ni Mayor Domogan na ilang mga local ordinance ang kanilang ginawa para mabawasan ang pinsala ng lindol sakaling muli itong maganap.

Kabilang dito ang four-storey limit para sa mga itatayong gusali pero kalaunan ay napatunayan na hindi rin ito garantiya na magiging matatag ang mga ito sa pagyanig.

Sa ngayon ay may height limit pa rin ang mga gusali hanggang sa ika-anim na palapag pero ang pundasyon ay kinakailangang pumasa seismic-resistant requirements na nakapaloob sa Building Code.

Aminado si Domogan na wala silang control sa pag-sulpot ng maraming bahay sa mga open spaces sa lungsod dahil ang mga ito ay itinayo sa mga pribadong lupain.

Bilang pagha-handa sa tinatawag na “Big One”, sinabi ni Domogan na gumawa sila ng programa para sa periodic earthquake drill.

Kasado na rin ang ilang mga bakanteng lupain sa lungsod tulad ng Burnham Park bilang evacuation area sakalung maulit ang malakas na lindol.

Sa huli kanyang sinabi na ang preparasyon sa anumang uri ng trahedya ang siya pa ring magliligtas sa bawat isa sa atin./Den Macaranas

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.