Patung-patong na kaso, isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay dating VP Binay

By Isa Avendaño-Umali July 14, 2016 - 10:27 AM

Kuha ni Rose Cabrales
Kuha ni Rose Cabrales

Sinampahan ng patung-patong na kaso sa Sandiganbayan si dating Vice President Jejomar Binay kaugnay sa maanomalyang konstruksyon ng Makati parking building.

Sa magkakahiwalay na charge sheets na isinampa sa anti-graft court ng Office of the Special Prosecutor ng Office of the Ombudsman, apat na kaso ng paglabag sa Section 3 (e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, sampung bilang ng kasong Falsification of Public Documents at isang bilang ng kasong malversation ang isinampa laban kay Binay.

Kaugnay ito ng pagtatayo ng Makati parking building na umano ay overproced ng P2.2 billion.

Sa naunang resolusyon ng Ombudsman, napatunayan umanong nakipagsabwatan si Binay sa iba pang opisyal ng Makati City Hall nang i-award ang kontrata sa Mana Architecture and Interior Design, Co. (MANA) para sa first at second phase ng Makati City Hall Building II project nang walang idinadaos na public bidding.

Aabot sa P11.97 million umano ang naibayad sa MANA na ipinroseso at inaprubahan kahit walang kumpletong dokumento gaya ng design plans, working drawings, at technical specifications na naisumite ang kumpanya.

October 2015 nang mapatunayan ng Ombudsman na may sapat na batayan para maharap sa kaso si Binay at anak niyang si dating Makati Mayor Junjun Binay kasama ang 22 iba pang dating mga opisyal ng Makati City government.

Ipinatupad umano ang anim na bahagi ng proyekto noong 2007 hanggang 2013 sa kabila ng kawalan ng aprubadong design standards, contract plans, agency cost estimates, detailed engineering at iba pa.

Noong February 2016 nang maisampa ang kaso laban kina Junjun Binay at iba pa, habang ipinagpaliban ng Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban sa nakatatandang Binay dahil umiiral pa ang pagkakaroon niya ng immunity from suit noon bilang bise presidente ng bansa.

 

 

TAGS: Ombudsman files cases vs former VP Binay, Ombudsman files cases vs former VP Binay

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.