Mga pinapatay na sangkot sa droga, panay naka-sandals, wala pang big-time ayon kay Belmonte
Pinuna na rin ni Quezon City Rep. Feliciano Belmonte Jr. ang serye ng pagpatay sa drug pushers o users sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo na sa Metro Manila, sa kasagsagan ng kampanya ng Duterte administration laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Belmonte, panay mga naka-sandals lamang at police assets ang mga nasasawi sa mga operasyon ng Philippine National Police o PNP.
Wala pa aniyang big-time drug pushers o drug lords ang nasasampolahan ng pulisya.
Pero kung mayroon man aniyang kapuri-puri, sinabi ni Belmonte na ito’y ang paglalantad ni Pangulong Duterte sa Triad drug lords na umano’y kinakanlong o pinoprotektahan ni retired Police general Marcelo Garbo, na isa sa mga tinawag na ‘Narco General.’
Ayon kay Belmonte, sana’y mapanagot alinsunod sa batas ang mga drug lord, na matagal nang namamayagpag sa bansa.
Muli namang iginiit ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat na kailangang may sumita kung may maling hakbang ang administrasyong Duterte kaugnay sa anti-drug campaign nito.
Kapag aniya walang mangangahas na bumatikos, sinabi ni Baguilat na maaaring isipin ng publiko na tama lamang ang pagkitil sa buhay ng mga hinihinalang sangkot sa droga o kriminal nang hindi dumadaan sa due process.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.