Mga mangingisdang Pilipino, maingat na sa pagpunta sa Panatag Shoal
Pinaghahandaan na ng mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough o Panatag Shoal ang anumang kahihinatnan ng desisyon ng UN Permanent Court of Arbitration (PCA) kaugnay sa agawan ng Pilipinas at China sa mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Patuloy pa rin sa pangingisda ang mga Pilipino sa nasabing shoal, bagaman may halo nang pag-iingat dahil sa umiigting na presensya ng mga Chinese.
Limang Chinese Coast Guard vessels na kasi at ilan pang maliliit na bangka ang naroon at nakabantay sa Panatag Shoal.
Ayon sa mangingisdang si Ener Anota, natatakot sila dahil mas dumarami na ang mga coast guards ng China sa lugar na nagpapatrulya.
Gayunman, aniya pinayagan naman sila ng mga ito na mangisda doon sa loob lamang ng tatlong araw.
Ngayong araw ng Martes na inaasahang ilalabas ng PCA ang kanilang desisyon sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China na umaangkin sa halos buong South China Sea, kabilang na ang mga teritoryo ng Pilipinas.
Umaasa naman ang mga mangingisda na ipaglalaban ng administrasyong Duterte ang karapatan ng Pilipinas sa ating mga teritoryo oras na lumabas na ang desisyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.