Walang anumang record ang Philippine Statistics Authority (PSA) ukol sa isang Mary Grace Piattos.
Ayon yan sa isang pahinang sertipikasyon ng PSA na ipinadala sa House Committee on Good Government and Public Accountability na nanghingi ng detalye ng pagkatao ni Piattos.
Magugunita na isa si Piattos sa mga pumirma sa mga acknowledgement receipts (AR) sa confidential funds na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA).
Sinabi ni Manila 3rd Dist. Rep. Joel Chua, ang namumuno sa naturang komite, na walang birth, marriage o death certificate ng isang Mary Grace Piattos.
Aniya muling magsasaliksik ang PSA kung may makapagbibigay ng mga bagong impormasyon, tulad ng pangalan ng mga magulang ng kanilang hinahanap, o kahit mahahalagang detalye na maaaring pagbasehan ng muling paghahanap sa database ng ahensiya.
Unang humingi ng tulong ang komite sa PSA para kilalanin ang mga pumirma sa mga AR kaugnay sa imbestigasyon sa sinasabing maling paggamit ng P612.5 milyomg confidential fund ng OVP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.