P4B na utang ng Cabuyao City may ‘hocus-pocus’ – Opiña

By Jan Escosio November 23, 2024 - 06:30 PM

PHOTO: Leif Opiña STORY: P4B na utang ng Cabuyao City may ‘hocus-pocus’ - Opiña
Ipinakita ni Cabuyao City Mayor Leif Opiña ang nakuha niyang dokumento ukol sa pag-utang ng kanilang punong-lungsod ng P4 bilyon sa Development Bank of the Philippines (DBP). —Kuha ni Jan Escosio | Radyo Inquirer

METRO MANILA, Philippines — Isiniwalat ni Cabuyao City Mayor Leif Opiña ang ipinapapalagay niyang paglabag sa batas ang pag-utang ng pamahalaang lungsod ng P4 bilyon sa Development Bank of the Philippines (DBP) noong 2003.

Ayon kay Opiña nababalot sa misteryo ang napakalaking inutang ng kanilang pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Dennis Hain kayat binabalak niyang maghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman.

Hindi raw dumaan sa legal na proseso ang pag-apruba sa pag-utang dahil aniya walang nangyaring deliberasyon sa Sangguniang Panglungsod at ipinag-utos na lamang ito ni Hain.

BASAHIN: P30.1B health emergency allowance nailabas, may utang pa P14.88B

Tinutulan aniya niya ang pag-utang dahil wala ring isinagawang feasibility studies at pampublikong konsultasyon.

Nabatid ng Radyo Inquirer na ang inutang ay gagamitin sa pagpapatayo ng bagong city hall, super palengke, sports center, flood-control projects, at pagsasaayos ng mga kalsada at tulay sa lungsod.

Naaprubahan din aniya ang Kapasiyahan Bilang 07-2022 sa bahay ng isang konsehal ng lungsod na malinaw na paglabag sa batas.

Sinabi pa ni Opiña na ipinarating na niya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang sa kanyang palagay na maanomalyang pag-apruba sa P4 bilyong utang.

Bukod dito, ibinunyag din ng opisyal ang hindi pagdaan sa tamang proseso sa pag-apruba sa P3.2 bilyong pondo ng pamahalaang lungsod para sa susunod na taon.

Aniya inatasan na ni Laguna Gov. Ramil Hernandez si Hain na magpaliwanag ukol sa hindi pagsunod sa Local Government Code of 1991 kaugnay sa pagpasa ng pondo ng lungsod.

TAGS: cabuyao city, Leif Opiña, cabuyao city, Leif Opiña

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.