Isang lalaki patay, isa nawawala sa pagtama ng Bagyong Butchoy sa bansa
Isang lalaki ang patay habang isa ang nawawala dahil sa pananalasa ng Bagyong Butchoy.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang nasawing biktima ay isang katorse anyos na nalunod habang nagsu-swimming sa isang creek sa Cainta, Rizal.
Ang nawawala naman ay isang kinse anyos na lalaki mula Valenzuela City.
Nangongolekta umano ng basura ang biktima sa Tullahan Bridge nang mawala.
Aabot naman sa 714 na pamilya o 2,343 na indibidwal ang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Zambales, Bataan, Rizal at Batangas.
Sa kasagsagan din ng Bagyong Butchoy, naitala ang isang rockslide sa Pasig City, tatlong landslides sa Zambales, Palawan at Rizal, habang may magkahiwalay na insidente ng pagkalunod sa Rizal at Valenzuela.
Noong Biyernes, tuluyan nang lumabas sa Philippine Area of Responsibility o PAR ang Bagyong Butchoy, na ikalawang bagyo para sa taong 2016.
Gayunman, nakaranas pa rin ng pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa, lalo na sa Luzon, dahil sa hanging Habagat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.