Bagyong Butchoy, lalong magdadala ng malalakas na ulan habang papalabas ng bansa
Lalo pang bumagal ang bagyong Butchoy habang tinatahak nito ang direksyon papuntang Taiwan at palabas ng bansa, ngunit mas palalakasin naman nito ang hanging habagat na magdadala ng malalakas na pag-ulan sa Luzon.
Ayon sa severe weather bulletin ng PAGASA, tinatayang makakaranas ng katamtaman hanggang malakas na ulan sa mga lugar na sakop ng 650 kilometer diameter ng bagyo, partikular na sa Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Mindoro at Northern Palawan.
As of 10:00pm, namataan ang sentro ng bagyo sa 160 kilometers North Northeast ng Itbayat, Batanes.
May taglay itong lakas ng hangin na aabot sa 205 kilometers per hour malapit sa gitna, at pagbugso na 240 kilometers per hour habang tinatahak ang direksyong West Northwest sa bilis na 13 kilometers per hour.
Itinaas na ang Signal No. 2 sa Batanes group of Islands.
Inabisuhan na rin ng PAGASA ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot sa baybayin ng Northern Luzon at sa silangang baybayin ng Central at Southern Luzon.
Mamayang gabi inaasahang nasa 325 kilometer North Northwest na ng Itbayat, Batanes ang bagyo, at lalabas na sa Philippine Area of Responsibility bukas ng gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.