Taal Volcano muling nagkaroon ng ‘phreatic eruption’
METRO MANILA, Philippines — Tumagal ng apat na minuto ang nangyaring “phreatic eruption”— o pagsabog dahil sa singaw — ang Taal Volcano nito umaga ng Miyerkules.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), 8:27 ng umaga nagsimula ang phreatic eruption at tumagal hanggang 8:31.
Umabot hanggang dalawang kilometro ang taas ng ibinuga nitong usok na ipinadpad ng hangin sa diresksyon na timog-kanluran.
Ayon pa Phivolcs, bumaba naman ang emisyon ng asupre (sulfur dioxide) ng bulkan na hanggang noong Mayo 6 ay may average na 2,191 tonelada kada araw, ngunit ito ay may average na 8,913 tonelada simula noong Enero na ikinukunsiderang mataas.
Base naman sa mga naitalang volcanic earthquakes at ground deformation, ayon sa Phivolcs, walang posibilidad na magkakaroon ng matinding pagsabog ang bulkan.
Paalala na lamang nga ahensiya na nananatiling nasa Alert Level 1 ang Bulkang Taal kayat posible ang biglaang phreatic eruption, volcanic earthquakes, ashfall at ang pag-iipon ng volcanic gas kayat delikado ang pananatili sa Taal Volcano Island (TVI).
Inabisuhan din ang mga malalapit na lokal na pamahalaan na patuloy ang pag-oobserba sa bulkan at pag-monitor sa mga aktibidad nito para sa ibayong paghahanda.
Pinaalahanan din ng Phivolcs ang Civil Aviation Authority of the Phils.(CAAP) na abisuhan ang mga piloto na huwag lumipad malapit sa bulkan para maiwasan ang “airborne ash” at “ballistic fragments” na idudulot ng mga biglaang pagsabog.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.