Humarurot sa EDSA Carousel Bus Lane, Move It rider huli
Patong-patong na paglabag ang ikinasa sa isang Move It rider sa paggamit nito ng EDSA Carousel Bus Lane sa Cubao, Quezon City.
Halos sagasaan ng rider ang ilang traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagmamando ng trapiko sa north-bound lane ng EDSA alas-8:30 kaninang umaga.
Sa CCTV footage, unang pinara ang rider ng isang enforcer ngunit nilagpasan lamang niya ito, sabay iwas sa isa pang enforcer.
Iniharang na ng isa pang enforcer ang sarili ngunit nagpatuloy pa rin ang rider sa pag-andar hanggang sa pagtulungan na siya ng tatlong enforcers para hindi makatakas.
Kapansin-pansin na hindi na inalintana ng rider ang kaligtasan ng kanyang babaeng pasahero sa pag-iwas na matiketan.
Sinabi ni acting MMDA Chairman Don Artes na magsusumite sila ng ulat sa motorcycle taxi company at irereklamo pa ito sa Land Transportation Office (LTO) para makansela ang lisensiya sa pagmamaneho.
Ikinukunsidera na din ang pagsasampa ng MMDA ng mga kasong kriminal laban sa rider.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.