2 private contractors itinuro sa EDSA Easter Monday monster traffic
Tapos na ang Semana Santa ngunit kalbaryo ang sumalubong sa mga motorista sa EDSA sa unang araw ng pasok matapos ang ilang araw na bakasyon.
Tinukoy ni acting Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Don Artes ang dalawang kompaniya, ang HGC Global Communications at RLink Corp., kapwa private contractors ng Globe Telecom na sanhi ng matinding trapiko sa southbound portion ng EDSA.
Ayon kay Artes sa 40 manholes na ginawa, 24 pa ang bukas kayat para madaanan ng mga motorista binuhusan ng semento ng MMDA at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ni Artes na papayagan nila ang “road works” sa mga lansangan sa Metro Manila mula 11 ng gabi ng Miyerkules Santo at kailangan na matapos ang lahat ng ala-5 ng umaga ngayon, araw ng Lunes.
Sinabi pa ng opisyal na hindi katanggap-tanggap ang katuwiran ng dalawang private contractors na kinapos sila ng semento kayat hindi nila natapos ang kanilang mga ginawa upang makapaglatag ng fiber optic cable.
Dagdag pa ni Artes ginamit ng private contractors ang kanilang “traffic cones” kayat inakala ng mga motorista na trabaho ng MMDA ang naiwan at ugat ng trapiko.
Nabatid na pagmumultahin ng P50,000 sa bawat hukay ang dalawang contractors.
Pinag-aaralan na rin na i-ban ang dalawang private contractors ng Globe sa pag-apply ng excavation permits.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.