Sen. Imee Marcos sa mga kongresista: “Magpakatotoo kayo!”
Binuweltahan ni Senator Imee Marcos ang mga kongresista na nagbato ng hamon sa mga senador na isapubliko na ang kanilang posisyon sa Charter change o Cha-Cha.
Hinamon ni Marcos ang mga kongresista na isapubliko na ang kanilang tunay na intensyon sa kanilang nais ma maamyendahan ang 1987 Constitution , kabilang na ang sinasabing pagpapalawig ng termino ng mga opisyal.
“Sabihin na natin ang totoo. Magpakatotoo ka, sister, ‘yun lang ang payo ko. ‘Wag naman economic ek-ek. Alam naman nating hindi economic ek-ek ang pakay. Bakit hindi na lang talagang ipagtapat kung anong nais?” sabi ni Marcos.
Nagpahayag ng kanyang pangamba ang nakakatandang kapatid ni Pangulong Marcos Jr., na ang pagpapalawig ng termino ay magreresulta lamang sa korapsyon.
“Kung talagang term extension, ayan yung three-year term na ‘yan na nagbibigay ng korapsyon at kung ano-ano pang ideya. Palagay ko lahat sang-ayon na habaan na ‘yung termino at kung no-term limits ang pag-usapan din basta anti-dynasty. Ano ba talaga?” tanong pa ng senadora.
Una nang hinamon ng mga kongresista, sa pangunguna ni House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe ang 24 senador na isapubliko na ang kanilang posisyon ukol sa pag-amyenda sa ilang “economic provisions” sa Saligang Batas.
Hiniling din ng mga ito na agad nang ipasa ng mga senador ang Resolution of Both Houses No. 6 at ang ilan ay nagpaalala pa na ito ay dapat maipadala na sa Kamara sa susunod na buwan.
Inamin naman ni Marcos na wala pa siyang posisyon ukol sa RBH No. 6 na tinalakay na sa unang pagdinig ng binuong Subcommittee on Constitutional Amendments, na pinamumunuan ni Sen. Sonny Angara.
“Hindi ko pa alam kasi kung ano ‘yung porma nung resolution.Tulad ng sinabi ko magpakatotoo tayo kung talaga yung pakay nila ay palitan yung sistema ng gobyerno, ipagtapat na at ‘wag ng ikubli sa advertising at kung sino-sino pa diyan sa media na dinadamay at ‘yung edukasyon talaga naman wala naman tayong pakialam diyan kasi nagsipasok na ‘yung mga foreigners, wala namang problema sa culinary, sa tourism andiyan na sila, so ano pa ang kailangan diyan? Kaya ang duda ng lahat talaga namang gusto ay palitan ‘yung political.” aniya.
Duda din si Marcos na totohanin ng mga kongresista ang kanilang pahayag na aaprubahan ang anumang palulusutin na pag-amyenda ng Senado sa Konstitusyon.
“Parang kasi ang duda ko ay talagang hindi economic ek-ek ang pakay ‘yun naman talaga ang inuuwian namin kaya sabihin na ‘yung totoo para sa akin buklatin na lahat ‘yan. Walang problema basta i-debate, ilagay sa tamang pamamaraan at ‘wag insultuhin ang mamamayang Pilipino na suhol ng suhol,” diin ni Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.