Chiz, Poe pinatitiyak tuloy-tuloy pag-aaral ng SHS studes mula SUCs, LUCs
Pinasisiguro nina Senators Francis Escudero at Grace Poe sa Commission on Higher Education (CHED) at sa Department of Education (DepEd) na magtutuloy-tuloy ang pag-aaral ng high school students na naapektuhan nang pagpapatigil ng Senion High School program sa state universities (SUCs) at local universities and colleges (LUCs).
“Bagama’t legal ang hakbangin ng CHED, mahalaga pa rin na matiyak natin ang kapakanan ng ating mga estudyante sa senior high school. Walang dapat na maiwan at mahalaga rito na nag-uusap ang CHED at DepEd,” sabi ni Escudero.
Aniya ang pagtanggap ng SUCs at LUCs na senior high school students ay may kondisyon na ito ay sa “transition period” lamang ng K-12 program.
Dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education na dapat ay tutukan naman ng DepEd kung may mga estudyante na matitigil ang pag-aaral bunga ng naturang hakbangin.
Ayon naman kay Poe dapat magkaroon ng assessment kung kakayanin ng public schools ang pagdagsa ng mga karagdagang SHS students.
“Wag naman natin basta pabayaan na lang ang ating mga estudyante. Hindi sila dapat gumastos ng malaki sa tuition o mapwersang hindi na mag-aral dahil walang pangtustos ang pamilya,” sabi pa ng senadora.
Dapat din aniya matupad ang pangako ng SHS program na trabaho sa mga magtatapos sa programa at hindi magsilbing pahirap pa sa mga estudyante.
#
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.