Taguig LGU sa Makati LGU: Hindi kailangan ng license to operate ng health centers!
Kasinungalingan at panlilinlang.
Ito ang pagsasalarawan ng pamahalaang-lungsod ng Taguig sa katuwiran ng pamahalaang-lungsod ng Makati ukol sa naging hakbang na isara ang lahat ng health centers sa “EMBO” barangays.
Unang inanunsiyo ng Makati City local government na nag-expire na ang license to operate ng health centers sa nalipat na 10 barangay sa Taguig kayat minabuti na isara na ang mga ito.
“Hindi kailangan ng license to operate (LTO) ng mga health centers maliban na lamang kung ito ay isang registered primary care facility. Iisa lamang ang registered primary care facility sa EMBO, ang Pitogo Health Center, na may lisensyang 3 taon na may bisa pa. Kaya’t lahat ng health centers sa EMBO ay maaring magpatuloy ng operasyon kung gustong magbigay ng serbisyo. Ang totoo, pakana ng Makati na ipagkait sa mga residente ng EMBO ang pasilidad at serbisyo ng health centers at lying in clinic sa EMBO bunsod ng baluktot nitong hangarin na gipitin ang Taguig matapos ideklara ng Korte Suprema na ilegal ang pag-ukupa nila sa mga EMBO barangays,” ang pahayag ng Taguig LGU.
Dagdag pa ng Taguig, sa ginawang hakbang ng Makati LGU ay pagpapatunay ang busabos na pagtrato sa mga residente ng EMBO barangays.
Paalala din na sa pag-uusap ng dalawang lokal na pamahalaan noong nakaraang Agosto at Setyembre kasama ang Department of Health (DOH), napagkasunduan ang proseso ng “transition” ng serbisyong pangkalusugan at paglipat ng mga pasilidad sa 10 barangay.
Ngunit tinalikuran diumano ng Makati LGU ang mga napagkasunduan sa kalagitnaan nang paghahanda ng Taguig LGU gaya ng pondo, kawani, gamot, at kagamitan para sa lahat ng health centers at lying-in clinic sa EMBO.
“Isang karumal-dumal na krimen ang pagsasara ng Makati ng health centers para sa malisyosong layuning ipagkait ang serbisyo ng mga ito sa mga residente ng EMBO. Sakaling hayaan ng DOH na tuluyang isara ng Makati ang EMBO health centers at lying in clinic, tiyak na masisira ang mga pasilidad at kagamitan rito. Mas gugustuhin pa ito ng Makati sa halip na mapakinabangan ito ng sambayanan, na siyang mismong layunin kung bakit iginawad ng Estado ang lupang kinatitirikan ng health centers. Isa itong pagtataksil sa mandato ng batas,” diin pa ng Taguig.
Samantala, para magtuloy-tuloy ang pagbibigay ng mga serbisyong medikal at pangkalusugan sa mga apektadong residente, nagbukas ang Taguig ng “telemedicine hotlines” para sa mga nais magpakonsulta sa mga doktor, gayundin nagtalaga ng “catchment health centers” sa lungsod para sa EMBO barangays.”
Inabisuhan ang mga residente ng 10 barangays na maaring magpunta sa 31 health centers at tatlong superhealth centers sa Taguig para sa kanilang mga pangangailangang-medikal o pangkalusugan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.