Pangulong Marcos pursigidong mapalaya ang 17 Filipino na bihag sa Red Sea
Ginagawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng paraan para mapalaya ang 17 Filipinong marino na bihag ng rebeldeng Houthi sa Red Sea.
Sa video message, humingi rin ng paumanhin si Pangulong Marcos sa Filipino community sa Dubai.
Dadalo sana si Pangulong Marcos sa 28th Conference of the Parties to the United Nations Framework Convention on Climate Change (COP28) at makikipagkita sa Filipino community sa Dubai subalit hindi natuloy dahil sa mas mahalagang development sa lagay ng 17 Filipinong bihag.
“Alam naman ninyo may mga bagay na kailangan agad na asikasuhin. Isa na dun ‘yung ating mga kababayan, mga kapwa Pilipino natin na na-hostage, 17 sila na na-hostage at ginagawa natin lahat ng paraan upang sila ay maiuwi na,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Kaya’t binubuo natin ang isang delegasyon para pumunta sa kanila at makipag-usap dun sa mga may hawak sa kanila para makauwi na sila. Kaya’t, siguro naman maunawaan ninyo, na inuna muna natin ‘yan dahil kailangan nating tiyakin ang syempre ang seguridad ng ating mga kababayan,” saad ng Pangulo.
Umaasa si Pangulong Marcos na maiintindihan ng mga Filipino sa Dubai ang kanyang desisyon nang kanselahin ang biyahe.
Sabi ni Pangulong Marcos, kailangan din kasing tutukan ang kalagayan ng mga Filipino na apetado ng gulo sa pagitan ng Israel at ng Palestinian militant group na Hamas.
“Kaya’t patuloy naman ang aming ginagawa upang ang ating mga kababayan ay maging maganda naman ang kanilang sitwasyon at sa lalong madaling panahon ay sana makauwi na sila,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Nakalulungkot ayon sa Pangulo na hindi natuloy ang kanyang biyahe sa Dubai.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.