Barko ng Pilipinas, binugahan ng water cannon ng Chinese coast guard
Panibagong insidente ng harassment at panghaharang ang ginawa na naman ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia vessels sa barko ng Pilipinas habang nagsasagawa ng routine resupply at rotation mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kaninang 7:30 ng umaga.
Ayon sa pahayag ng National Task Force-West Philippine Sea, ginamitan ng water cannon ng CCG vessel 5203 ang supply boats na M/L Kalayaan at Unaizah Mae 1.
Bukod sa water canon, nalagay din sa panganib ang dalawang barko dahil sa dinikitan sila ng mga barko ng China.
Sa kabila ng panghaharang, nagawa pa rin ng mga barko ng Pilipinas na maituloy ang resupply mission.
Nag-protesta na ang embahada ng Pilipinas sa Beijing sa Chinese Foreign Ministry.
Maging ang Department of Foreign Affairs ay nakipag-ugnayan na rin sa China sa pamamagitan ng Maritime Communications Mechanism para ihayag ang pagkadismaya.
Panawagan ng task force sa China, alisin na ang kanilang mga barko na nagsasagawa ng mga ilegal na aktibidad sa Ayungin Shoal sa lalong madaling panahon.
Kinondena ng Pilipinas ang panibagong insidete kung saan nalagay na naman sa panganib ang buhay ng mga Filipino.
Sabi ng task force, ang systematic at madalas na magaspang na aksyon ng China ay salamin ng pagiging iresponsable at nagbibigay ng pagdududa sa sinseridad na magkaroon ng mapayapang diyalogo ang dalawang bansa.
Sa kabila ng insidente, nanatiling responsable ang Pilipinas at umakto ng naayon sa international law, sa nakasaad sa UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award.
Sabi ng task force, kailanman ay hindi makakamit ang kapayapaan at stability sa rehiyon kung hindi igagalang ang karapatan ng bawat isa.
Sinaluduhan naman ni Pangulong Marcos ang mga tauhan ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard dahil sa patuloy na pagtupad sa tungkulin at sa pagsusugal sa buhay masiguro lamang na maprotektahan ang Pilipinas.
Sabi ni Pangulong Marcos, hindi magpapatinag ang Pilipinas na igiit ang legal rights sa maritime zones lalo na sa Ayungin Shoal na bahagi ng exclusive economic zone at continental shelf.
Hamon ni Pangulong Marcos sa China maging responsable at patunayan na karapat dapat ito na maging mapagkakatiwalaan na miyembro ng international community.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.