DILG ipinalilipat na ang mga programa at proyekto ng “EMBO” barangays sa Taguig City
Ipinag-utos na ni Interior Secretary Benhur Abalos ang paglilipat ng lahat ng mga programa, proyekto at aktibidad ng kagawaran sa “EMBO” barangays sa pamahalaang-lungsod ng Taguig mula sa lokal na pamahalaan ng Makati City.
Ang kautusan na may petsang Oktubre 26 ay base na rin sa isinagawang Barangay at Sangguniang Kabataan elections at sa mga isasagawa pang mga aktibidad ng kagawaran sa Barangays Cembo, Comembo, East Rembo, Pembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside, Rizal, South Cembo, at West Rembo.
Ito, dagdag pa ni Abalos, ay upang maging malinaw na ang isyu sa mga bagong halal na barangay at SK officials.
Nabanggit pa ng kalihim ang mga naunang pagkikilala at pagtalima ng ilang ahensiya ng gobyerno alinsunod sa inilabas na pinal na desisyon ng Korte Suprema na pumabor sa Taguig City.
Kasabay nito, inatasan ni Abalos ang kanilang NCR Office na bigyan ng kopya ng mga ulat ang DILG – Taguig City ng mga isinagawang imbentaryo at ilipat na ang mga dokumento, ari-arian ng barangay, financial records at pondo.
Pinatitiyak ng opisyal na ang maibibigay na sa DILG-Taguig City ang lahat ng mga dokumento ng 10 barangays.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.