Jogging ng APEChotties, gumawa ng ingay sa social media

By Kathleen Betina Aenlle June 30, 2016 - 04:14 AM

 

apec hottiesGumawa ng ingay sa mga social media sites ang nakuhanang litrato ng mga tinaguriang #APEChotties na sina Canadian Prime Minister Justin Trudeau at Mexican President Enrique Peña Nieto habang tumatakbo.

Sa nasabing litrato, makikita ang dalawang pinuno ng kani-kanilang mga bansa na nakasuot ng maiiksing shorts para sa kanilang ceremonial jog bago ganapin ang Three Amigos Summit sa Ottawa.

Matatandaang nag-trending na rin noon sina Trudeu at Peña Nieto sa Pilipinas nang dumating sila dito para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit noong nakaraang taon, at tinagurian silang “APEC hotties”

Si Trudeau ay nakasuot ng jazz festival na T-shirt at itim na shorts, habang si Nieto naman ay nakasuot ng fluorescent green na T-shirt at itim na maiksing shorts.

Hindi naman siyempre hinayaan ang dalawa na mag-jogging nang sila lang, dahil habang sila ay tumatakbo, may mga kasama silang anim na security personnel na parehong tumatakbo rin at nagbibisikleta.

Makakasama ng dalawa si US President Barack Obama para sa North American Leaders Summit na kilala rin bilang Three Amigos.

Inaasahan naman na isa sa mga mahahalagang pag-uusapan sa pulong ang pag-alis ng Britain sa European Union.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.