Pangulong Marcos dadalo sa Asean-Gulf Cooperation Council sa Saudi Arabia
Biyaheng Saudi Arabia si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Oktubre 19 hanggang 20.
Ito ay para dumalo sa Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council na gaganapin sa Riyadh.
Ayon kay Assistant Secretary Daniel Espiritu ng Department of Foreign Affairs-Office of the Asean Affairs, sentro sa pagpupulong ang pagpapaigting ng ugnayan ng mga bansang kasapi sa Asean at Gulf countries.
Tatalakayin din aniya ang energy at food security.
Isa ang Saudi Arabia sa mga pinagkukunan ng Pilipinas ng produktong petrolyo.
Titiyakin ni Pangulong Marcos ang kaligtasan ng may 700,000 overseas Filipino workers sa Saudi Arabia.
Nasa 2.2 milyong Filipino ang nasa Gulf countries.
Sabi ni Espiritu, mayroong bilateral meeting si Pangulong Marcos sa mga lider ng Saudi Arabia at Bahrain.
Pag-uusapan aniya nina Pangulong Marcos at lider ng Saudi Arabia ang ika-54 anibersaryo ng diplomatic ties ng dalawang bansa habang ang ika-45 na bilateral relations naman sa lider ng Bahrain.
Makikipagpulong si Pangulong Marcos sa mga negosyante sa Saudi Arabia kung saan ididiga nito ang Maharlika Investment Fund.
Dadalo rin si Pangulong Marcos sa Filipino community sa Oktubre 20.
Sabi ni Espiritu, maari ring kasama sa agenda ni Pangulong Marcos ang kaso ng OFW na si Marjorette Garcia na natagpuang patay matapos saksakin ng dayuhang kasamahan sa trabaho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.